Friday, October 11, 2013

Ang Daanan

Madaling araw nang gumising si Maria dahil naiihi siya. Binuksan niya ang ilaw, at halos di maidilat ang mata dahil sa nasisilawan ito. Pumunta siya ng banyo, umihi at naghilamos. Sa hindi maipaliwanag, biglang nag-flush ang palikuran nila kaya napatingin siya. Hindi niya ito ininda at nagpatuloy sa paghilamos. Pagkatapos niyang punasan ang kanyang basang mukha, pagtingin niya sa salamin ay may nakatindig na babaeng nakasuot ng puting damit sa kanyang likuran, ngunit paglingun niya ay biglang nawala ang babae kaya't napasigaw si Maria. "ahhhhhh!!!!" sigaw niya. bigla siyang ginising ng kanyang ina. "Anak, anak! gising!!" pasigaw na pagsabi ng ina. Nagising si Maria at laking pasalamat niya na panaginip lang pala.

Si Maria at ang kanyang pamilya ay nakatira sa isang probinsiya sa Mindanao, ito ay ang Lupon, Davao Oriental. Matiwasay ang kanilang pamumuhay sa bayan na iyon. Masagana, walang gulo at masaya ang kinatitirikan ng kanilang bahay. Si Maria ay nakapagtapos ng pag-aaral at siya ay naging profesyonal na nars. Maaga siyang nag-asawa at nagkaroon ng dalawang anak.

Isang araw walang ilaw ang kanilang pook dahil sa nasirang poste. Lumabas ang buong pamilya ni Maria sa bahay dahil mainit sa loob. Nagsunog ng gulong ng motorsiklo ang ama ni Maria para lumiwanag ang labas ng bahay nila. Ilang minuto, napatingin si Maria sa kanyang kwarto, pagtingin niya, biglang may malakas na hangin sa paligid at nagwawagayway ang kurtina ng kwarto niya. May nakita siyang isang babaeng nakatayo sa may bintana na parang tinititigan siya. "Tay! may nakita akong tao sa loob ng aking kwarto" , sabi ni Maria sa ama. Dali-daling pinuntahan ng kanyang ama ang nasabing kwarto, pero walang nakita ang kanyang ama. "Anak, baka namamalik-mata ka lang", wika ng ama niya. Hindi na ito pinansin ni Maria, pero hindi ito nawawala sa kanyang isipan.

Lumuwas ng Davao City si Maria para maghanap ng trabahong mapapasukan. Nag-apply siya sa iba't-ibang ospital. Sa halos isang buwang paghahanap, sa wakas natanggap siya sa SPH o San Pedro Hospital. Umuupa ng boarding house si Maria sa Davao City. Isang gabi, habang pauwi na si Maria sa kanyang tinutuluyang bahay, siya na lang ang naiwang pasahero sa sinasakyan niyang jeep. Tumingin-tingin siya sa paligid dahil sa tingin niya hindi na ito ang rutang dapat dinadaanan ng jeep. Sinabi niya sa drayber,"Manong, bakit dito tayo dumaan". walang imik ang drayber at patuloy lang itong nagmamaneho."Manong ano ba? saan na tayo papunta?", galit na sabi ni Maria, pero patuloy parin sa pagmamaneho ang drayber. Palingon-lingon si Maria sa labas ng jeep na nag-aalala kung saan sila papunta. Ilang minutong nagdaan, nakarating si Maria sa boarding house niya, bumaba at nagbayad siya sa drayber, at takot na sinabi ng drayber "miss baliktarin mo ang damit mo". "Bakit po?" sagot ni Maria. Nagmamadaling sinabi ng drayber, "kasi miss pagtingin ko sa salamin ng jeep ko, nakita kong may babaeng tumabi sayo at wala ka ng ulo". Umalis na ang jeep at biglang kinabahan si Maria sa sinabi sa kanya ng drayber. Dali-dali siyang pumasok at nagbihis. Napaisip si Maria sa sinabi ng drayber sa kanya, at nahagilap sa kanyang isip ang mga pangyayaring naranasan din niya sa kanila. Di nagtagal ay nakatulog din si Maria.

Ilang araw pagkatapos mangyari ang kababalaghan, ay unti-unti ng nakakalimutan ni Maria ang mga nangyari. Pumasok siya sa ospital na pinagtatrabahuan niya. Nakadistino siya sa 4th floor ng ospital at kinakailangan niyang mag-elevator para mas madaling makaabot. Pagpasok niya sa elevator may nakasama siyang isang babae. "Miss marami ka na bang nararanasan na namamatay dito?" wika ng babae, "Hindi pa po bago lang kasi ako dito." sagot ni Maria. Bumukas ang elevator at may pultorero ang dumaan dala-dala ang isang bangkay. Laking gulat niya na ang kausap niya sa elevator at yung dala-dala ng pultorero ay iisa. Napasigaw si Maria. May isang lalaking nagpakalma sa kanya at siya ay si Jose. Sabi ni Jose "Baguhan ka lang dito?", "oo" sagot ni Maria. "Masasanay ka rin dito" wika ni Jose. Palagi nang sinasamahan ni Jose si Maria at naging magkaibigan sila. Di naglaon ay niligawan ni Jose si Maria, lumipas ang maraming araw at may pagtingin na rin si Maria kay Jose. sinagot na siya ni Maria. At naging sila ni Jose.

Tatlong buwan ang nakalipas, niyaya si Jose ng mga kaibigan na umakyat sa Mt. Apo. Hindi pumayag si Jose pag hindi niya kasama si Maria. Pumayag naman si Maria. Ilang linggo ay tumungo na sila sa Mt. Apo at naghanda ng umakyat. Masaya si Jose at Maria na umakyat sa bundok. Narating na nila ang pangalawang kampo at nagpahinga. Ang isang kasamang babae nila na si Mona ay biglang sumakit ang katawan, at hindi naman nila ito maiwan-iwan. Nag volunteer si Maria na samahan nalang si Mona sa kampo at magpatuloy nalang ang iba na umakyat. Pumayag naman ang iba at si Jose. Nagpatuloy ang grupo kahit delikado bagkus umuulan noon nang malakas at maari silang madisgrasya dahil malambot ang lupang tinatayuan nila. Dalawang araw ang nakalipas ay nakabalik na ang iba pero hindi na nila kasama si Jose. "Saan na si Jose?" tanong ni Maria. Sumagot ang isa nilang kasamahan, "nakakalungkot Maria pero namatay na si Jose, nagka landslide kasi sa itaas at natabunan siya". Nalungkot si Maria at umiyak nang umiyak. Gabi na at tulog na ang lahat, hindi mapakali si Maria at umakyat ito para hanapin si Jose. Ilang minuto, nakasalubong niya si Jose. Napakadungis ng mukha ni Jose, maraming putik ang damit at katawan. "Anong nangyari sayo Jose?" tanong ni Maria. "Nagka landslide sa itaas at natabunan silang lahat ako lang ang nakaligtas" sagot ni Jose. Biglang naalala ni Maria ang sinabi ng ibang kasama at nalilito na ito. Dali-daling hinawakan niya si Jose at inalam kung may pulso pa ito. Napagtanto ni Maria na talagang buhay pa si Jose at bumalik sila sa kampo. Pagbukas ng tent ay wala na ang mga kasama nila. Bumaba agad si Maria, Jose at Mona para ireport ang nangyari. Di makapaniwala si Maria sa nangyari at muntikan na siyang naniwala sa kasamahan niya. Umakyat ang mga police at inimbestigahan ang nangyari.

Tulala parin si Maria sa nangyari. Kaya sinamahan ni Jose si Maria sa boarding house nito. 11pm na at di parin makatulog si Maria dahil sa mga nangyayari sa paligid niya. Hinimas-himas ni Jose ang buhok ni Maria para maging okay ito. Nakatulog na si Jose pero si Maria ay hindi pa. Nakarinig si Maria ng isang tugtug ng piano sa kabilang room. May maliit na butas ito at sinilip niya. May isang babaeng nakaputi na nagtutugtug ng piano. Kinabukasan, paggising ni Maria, wala na ang tugtug ng piano sa kabila kaya sinilip niya ulit. At laking gulat niya na maraming dugo ang nakakalat sa room at halos natabunan na ng dugo ang buong silid. Hindi na niya ginising si Jose at bumaba nalang siya para tanungin kung anung nangyari sa silid na iyon. Nalaman niya na may nag.suicide pala doon. Pagbalik niya sa itaas, tiningnan niya ulit ang silid. Laking gulat niya na nakabitin ang isang babaing nakaputi at sa baba nito ay si JOSE. Lumingon agad si Maria sa kama at wala na talaga si Jose doon. Biglang may kumatok sa kanyang pintuan, takot na takot na binuksan ni Maria ang pintuan at ang humarap sa kanya ay ang pulis na nag-imbestiga sa Mt. Apo. Sinalaysay ng police ang nangyari at di siya makapaniwala sa narinig na kasama pala si Jose sa namatay. Kaya pinuntahan ni Maria ang silid kung saan niya nakita si Jose. At wala na ang babae pati si Jose doon. Hagulgol nang hagulgol sa iyak si Maria. Ang kasama pala niya kagabi na si Jose ay patay na. Di lang pala panaginip ang nangyari nang bumulong si Jose sa kanya nung magkatabi silang natutulog na "tulong Maria" habang himas-himas ang buhok niya. Nag.resign na siya sa trabaho at umuwi nalang sa kanilang probinsiya.

Sinabi ni Maria ang lahat sa kanyang pamilya at nalungkot ang boung pamilya ni Maria. Nagpakuha ng albularyo ang tatay ni Maria para kilalanin ang babaeng palagi niyang nakikita. Nalaman ng albularyo na sinusundan si Maria dahil nagambala niya ito. Sa likod pala ng bahay nila Maria ay may malaking puno ng mangga at doon naninirahan ang babae. At ang bahay pala nila ang dinadaanan ng babaeng multo para makarating sa puno ng mangga. Naalala ni Maria na minsan na niyang tinapunan ng basura ang mangga at sinunog ang mga ito. Nag-alay si Maria ng pagkain at dinasalan ang kaluluwa at ang puno ng mangga. Simula noon, di na ginagambala si Maria ng babaeng multo.

No comments:

Post a Comment